Ibong Adarna – Buod (Unang Bahagi)
Noong unang panahon sa malayong reyno ng
Berbanya, mapayapa at masayang namumuhay ang mga mamamayan nito na di
nakakakilala ng ligalig. Ito ay utang ng
lahat sa mabuting pamamalakad ng mabait na Haring Fernando at ng kanyang
butihing maybahay na si Reyna Veleriana.
Tatlong makikisig na binata ang kanilang
mga anak na kapwa lugod ang mga kanilang puso.
Isa sa kanila ang nakatadhanang magmana ng setro at korona ng kaharian
ng Berbanya.
Si Don Pedro ang panganay sa tatlo, at
siya ay naniniguro na siya ang magiging tagapagmana ng korona. Malakas siya, matikas at kinagugulatan ng
lahat sa paghawak ng espada. Sumunod sa
panganay ay si Don Diego, ang binatang taring kung turingan, malilikot ang mga
mata at tunay na mabilis sa mga dalaga.
Siya’y mahusay din sa espada. At
ang bunso ay si Don Juan na bagama’y mahiyain at may katangiang mababang-loob
ay tunay na kaakit-akit at itinitibok ng puso ng mga kadalagahan sa buong sakop
ng kaharian.
Sino sa tatlo ang karapat-dapat na
magmana ng trono? Iyan ang kaisipang
bumabagabag sa kalooban ng matandang Haring Fernando. Sa labis na pag-iisip na iyon at dahil na din
sa katandaan marahil ay naratay ang hari sa isang di maipaliwanag na
pagkakasakit.
Ipinatawag ang mga magagaling na
manggagamot. Subalit hindi matuklasan ng
mga dalubhasa ng reyno kung ano ang sanhi ng kanyang karamdaman. Nagdulot ito ng labis na pag-aalala sa reyna. Ang pagkakasakit ng hari ay ikinabahala ng
labis ng buong kaharian. Ito’y labis
ding dinamdam ng bunsong anak na si Don Juan subalit hindi nina Don Pedro at
Don Diego na waring ang pagkakasakit ng ama ay isang bagay na dapat agahan
kundi man malaon nang kainipan.
Nang gabing iyon, habang tinatangay ng
nakahihibang na lagnat ang balisang hari sa kanyang himlayan ay isang waring
panaginip ang kaniyang gunita. Isang
pagkaganda-gandang diwata na mistulang sugo ng langit ang nanaog upang ihatid
sa kanya ang balita sa magsisilbing lunas sa kaniyang karamdaman.
Dahil hanggang ngayo’y hindi pa
napagpasiyahan ng hari kung sino ang magiging tagapagmana ng kaharian. Ang kaniyang karamdaman ay ibinigay sa hari
upang matulungan siyang magpasiya. Dito
nakasalalay ang kinabukasan ng kaharian ng Berbanya. Kung sinuman sa mga anak ng hari ang
makakapagpagaling ay siyang karapat-dapat na maging tagapagmana ng setro at
korona.
Sa Bundok ng Enkantadong Tabor ay
namumugad ang Ibong Adarna, kung sino sa anak ng hari ang makakahuli at
magdadala nito sa hari ay siya ang kaniyang pipiliin. Sa sandaling madala na ang ibon at marinig
itong umawit, ang hari ay gagaling.
Isinalaysay ng hari kay Reyna Valeriana ang panaginip na dumalaw sa
kanya. Ito ay nagbigay ng ibayong
pag-asa sa kanyang nanlulumong kalooban dahil sa karamdaman.
At hindi nga nagtagal ay gumayak na si
Don Pedro upang patunayan sa lahat na siya ang tunay na tagapagmana ng setro at
korona. Ipinagbunyi ng buong lugod ng
mga mamamayan ang paglisan ni Don Pedro upang hanapin ang Ibong Adarna. Ang lahat ay umaasang magtatagumpay ang
prinsipe sa pagkuha ng lunas na magpapagaling sa minamahal nilang hari.
Kung ilang araw na binagtas ni Don Pedro
ang kasukalan ng gubat. Nagpapahinga
lamang siya upang kumain at matulog sa paghahangad na makarating agad sa
patutunguhan. Nang sapitin niya ang
rumaragasang ilog ay lalo siyang nagsikap na iyon ay matawid. Sa kabilang pampang naroon ang Bundok Tabor
na kanyang hinahanap. Inakyat niya ang
matarik na daanan ng Bundok Tabor.
Abot-abot ang kanyang hingal nang sapitin niya ang tuktok ng
bundok. Kasalukuyang pinapawi niya ang
matindi niyang gutom nang may dumating na isang matanda at humihingi sa kanya
ng pagkain. Hindi niya ito binigyan ng
pagkain.
Pinasok ni Don Pedro ang kakahuyan ng
Bundok Tabor. Unti-unti nang lumatag ang
kadiliman nang matanawan ni Don Pedro ang isang kakaibang puno. Lumalalim ang gabi at nabagot sa paghihintay
ang prinsipe hanggang sa siya ay dalawin ng matinding antok. Nang sumapit ang hatinggabi ay nakatulog na
si Don Pedro at hindi niya naulinigan ang pagaspas ng mga pakpak ng Ibong
Adarna na patungo sa punong pinagkakanlungan niya. Dumapo ito sa sanga ng puno sa ibabaw ng
tinutulugang lugar ni Don Pedro. Nang
matiyak ng Ibong Adarna na natutulog si Don Pedro ay nagsimula itong umawit ng
buong lambing. Makapitong ulit umawit
ang Ibong Adarna at sa lambing ng mga awit ay humanda ang Ibong Adarna upang
matulog subalit ito ay dumumi muna. At
sa ilalim ng puno ay napatakan ng dumi ng ibon ang nahihimbing na
prinsipe. Noon din ay naging bato si Don
Pedro at buong tiwasay na natulog ang Ibong Adarna na parang walang nangyari.
Lumipas ang marami pang mga araw, at sa
palasyo ay ipinatawag naman ni Haring Fernando si Don Diego. Dinatnan ni Don Diego ang kanyang inang reyna
at amang hari na naghihintay. Sinabi ni
Haring Fernando na ilang araw nang wala si Don Pedro kaya siya ay nangangamba
na baka hindi ito nagtagumpay kaya naman kay Don Diego na ngayon nakasalalay
ang kanyang kaligtasan. Buong-puso naman
na sumunod ang prinsipe sa hari.
Naglakbay noon din si Don Diego.
Sa kasamaang palad ay sinapit din niya ang nangyari kay Don Pedro at
naging bato din. Nabigo na naman ang
hari na magamot ang kanyang karamdaman.
Si Don Juan ay labis na nag-aalala sa
kanyang mga kapatid. Ipinasya niyang
dumulog sa kanyang amang hari at nagpaalam na siya naman ang maglalakbay. Aalamin niya kung ano ang nanyari sa kanyang
mga kapatid at para mahuli at maiuwi na din sa palasyo ang Ibong Adarna.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Don
Juan. Noon din, matulin niyang binagtas
ang madilim na kagubatan. Mula sa malagim
na kagubatan ay walang gulat naman niyang tinawid ang rumaragasang ilog at
sinapit niya ang kabilang pampang na walang anumang sakunang naganap. Kakain na lamang sana si Don Juan nang
mapalingon siya sa may kakahuyan sa pagkarinig sa panaghoy ng isang nilalang na
dumaraing. Likas na may busilak na
kalooban si Don Juan kaya binigyan niya ito ng pagkain. Tinanong ng matanda kung ano ang sadya ni Don
Juan. Sinabi niya ang dahilan ng kanyang
paglalakbay, na hinahanap niya ang kanyang dalawang kapatid at ang Ibong
Adarna, na siyang tanging lunas sa kanyang amang may karamdaman. Nang malaman ng matanda ang kanyang pakay,
mahigpit na itong nagbilin: Bago mo
pangahasan ang paghuli sa Ibong Adarna ay makipagkita ka muna sa ermitanyo na
naninirahan sa isang kuweba sa Bundok ng Tabor.
Ang pag-akyat sa Bundok Tabor ay agad
sinimulan ni Don Juan. Nang sapitin niya
ang tuktok ng bundok ay buong panggigilalas niyang nakita ang malaparaisong
pangitain doon at ang punong may mga dahong pilak na kanyang sadya. Tunay siyang humanga sa kagandahang ibinihis
ng kalikasan at sa luntiang kapaligirang kanyang pinagmamasdan. Kapagdaka’y hinanap niya ang kuweba ng
ermitanyo na mahigpit na ibinilin ng matandang pulubi. Pinuntahan niya at magiliw siyang tinanggap
ng matandang ermitanyo. Ipinaghain pa
siya ng nito ng makakain. Namangha si
Don Juan nang makita na ang inihain sa kanya ay siya ding tinapay na inilimos
niya sa matandang pulubi. Paanong ang
tinapay na ipinagkaloob niya sa ketongin ay naputa sa ermitanyo? Si Don Juan na din ang sumagot sa kanyang
sarling katanungan.
Sinabi sa kanya ng ermitanyo, Sapagkat
naipamalas mo ang kabutihan ng kalooban ng mga sandaling sapitin mo ang pook na
ito ay nakatalaga ako ngayon na tulungan kang mahuli ang Ibong Adarna.
Ang Ibong Adarna ay isang engkantadong
ibon na hindi mahuhuli ng gayun-gayon lamang.
Mahiwaga ang kanyang awit at ang mapatakan ng kanyang dumi ay nagiging
bato.
Siya ay humahapon sa punong may mga pilak
na dahon kung sumasapit na ang hatinggabi.
At sinumang naghihintay sa kanya ay napipilitang makatulog sa pitong
ulit na pag-awit sa ginagawa niya. Sa
bawat awit niya ay nag-iiba ang anyo ng kanyang mga plumahe. wika ng ermitanyo.
Binigyan siya ng ermitanyo ng pitong
dayap. At mahigpit na ibinilin na: Sa
bawat awitin ng Ibong Adarna ay susugatan mo ang iyong bisig at pipigaan ng
dayap ang sugat upang sa kirot na mararamdaman ay hindi makatulog sa kabila ng
malambing niyang awit.
Pagkatapos ng pitong awit ay magbabawas
ang Ibong Adarna bago matulog. Iwasan
mong mapatakan ka noon kundi ay magiging bato ka. Ang taling gintong ito ang tanging mabisa
upang siya ay talian.
At isang bagay pa, sa sandaling mahuli mo
na ang Ibong Adrana ay sumalok ka ng tubig sa bukal na malapit sa puno at
ibuhos mo sa dalawang batong nasa ilalim ng puno upang bumalik ulit sa dating
anyo ang dalawa mong kapatid, sabi ng ermitanyo bago umalis si Don Juan.
Si Don Juan ay nagtungo sa kinatitirikan
ng puno sa Bundok ng Tabor. Inabot siya
doon ng hatinggabi sa paghihintay at di kawasa’y naulinigan niya ang pagaspas
ng mga pakpak na hudyat na ang Ibong Adarna ay dumarating na upang humapon sa
puno. Pagdapo sa sanga ay pitong ulit na
umawit ang Ibong Adarna ng buong tamis at lambing at pitong ulit na nag-iba ng
anyo ang kanyang plumahe. Pitong ulit
din na sinugatan ni Don Juan ang kanyang bisig at pinigaan iyon ng dayap upang
hindi makatulog sa lambing ng mga awiting iyon.
Matapos dumumi ang Ibong Adarna ay
natulog ito at agad namang inakyat ni Don Juan.
Pagkatapos niyang mahuli ang Ibong Adarna, pumunta agad siya sa ilog
upang kumuha ng tubig para ibuhos sa kanyang mga kapatid. Noon din ay nagbalik sa kanilang dating mga
anyo sina Don Pedro at Don Diego.
Gayon na lamang ang tuwa ni Don Juan nang
muling makita ang kanyang mga kapatid.
Ipinaliwanag ni Don Juan ang buong pangyayari sa dalawang kapatid at
noon din ay pinagharian ang kanilang mga puso ng matinding inggit. Nang magbukang liwayway, tinungo nila Don
Juan ang kuweba ng ermitanyo upang magpasalamat at magpaalam. Sila ay pinakain nito at ginamot din ang mga
sugat ni Don Juan. Pagkapahinga, ay
pinauwi na sila ng ermitanyo at pinayuhang walang manloloko o magtataksil isa
man sa kanila.
Hindi sumunod sa ermitanyo ang dalawang
prinsipe na si Don Pedro at si Don Diego.
Si Don Juan ay walang awang pinagtulungang bugbugin ng magkapatid na
pinaghaharian ng inggit at pag-iimbot.
Ibong Adarna – Buod (Ikalawang Bahagi)
Nang makita nilang wala ng lakas at halos
hindi na humihinga si Don Juan, kinuha nila ang Ibong Adarna. Iniwan ng dalawa ang inaasahan nilang
mamamatay na si Don Juan at matulin silang nagbalik sa kaharian ng Berbanya.
Isang mabunying pagsalubong ang inukol ng
mamamayan ng reyno ng Berbanya sa dalawang animo’y mga bayaning nagbalik. Ngunit pagdating nila doon ay lulugo-lugo na
ang ibon at ayaw nitong umawit. Sinabi
ng Ibong Adarna na aawit lamang siya sa harap ng tunay na nakahuli sa kanya, at
ito ay si Don Juan na binugbog ng dalawang kapatid na prinsipe.
Si Don Juan naman ay halos di makatayo sa
kanyang kalagayan dahil sa natamo niyang matinding pambubugbog. Kaya’t siya’y matimtim na nanalangin sa
Birheng Maria upang siya ay tulungan.
Parang tinugon naman ang kanyang panalangin, dahil may dumating na isang
matanda at siya ay ginamot.
Agad na umuwi sa kaharian si Don Juan sa
pangambang hindi niya maabutang buhay ang kanyang amang hari. Pagdating ni Don Juan, noon din ay
pumailanglang at napuno ang buong silid ng matamis at malambing na awitin ng
Ibong Adarna. At sa pag-awit na iyon ng
Ibong Adarna, agad na gumaling ang karamdaman ni Haring Fernando.
Nagpatawag ng isang pagpupulong ang hari
sa konseho. Napagkaisahan na parusahan
ang dalawang prinsipe sa pamamagitan ng pagtapon sa dalawa upang hindi na
makasama ni Don Juan. Ngunit sa
kabaitang taglay ni Don Juan ay hindi niya hinayaang maparusahan ang kanyang
mga kapatid.
Dahil sa Adarna, gumaling si Haring
Fernando, kaya naman pinabantayan niya ang Ibong Adarna sa tatlo niyang
anak. Kung sinuman ang magpapakawala
nito ay mapaparusahan ng kamatayan.
Sina Don Pedro at Don Diego ay likas na
may kasamaang ugali. Isang gabi, nang si
Don Juan ang nagbabantay ay tila nakatulog.
Marahang lumapit si Don Pedro sa ibon at ito ay kanyang
pinakawalan. Lumipad papalayo ang Ibong
Adarna sa kaharian ng Berbanya. Nang
magising si Don Juan ay laking pagtataka niya nang makitang wala na ang Ibong
Adarna. Natakot si Don Juan dahil alam
niyang mapaparusahan siya ng kamatayan.
Napagpasiyahan ni Don Juan na umalis upang hanaping muli ang Ibong
Adarna.
Nang magising si Haring Fernando, nakita
niyang wala na sa hawla ang Ibong Adarna.
Tinanong niya sina Don Pedro at Don Diego kung sino ang nagpakawala sa
Adarna. Ang isinagot ng dalawa ay si Don
Juan. Akala ng dalawa ay naisahan na
nila ang kanilang bunsong kapatid ngunit dahil sa nawawala si Don Juan, ay agad
inutos ng amang hari sa kanila na hanapin si Don Juan.
Nang natagpuan nila si Don Juan sa Bundok
ng Armenia, napag-isip-isip nina Don Pedro at Don Diego na kung isasama nila
ang kapatid kay Haring Fernando ay tiyak na malalaman nito ang totoong
nangyari. Kaya naman kinumbinse nilang
dalawa na manirahan na lamang silang magkakapatid sa Bundok ng Armenia. Doon ay wari’y wala silang lungkot na
dinaranans. Kung wala sila sa batis,
sila ay nasa bukid. Isang araw ng
paglalakbay, nakakita sila ng balon.
Gusto ni Don Juan na maabot ang ilalim ng balon. Dahil si Don Pedro ang panganay ay siya ang
nangunang bumaba. Dahan-dahan siyang
nagpatihog sa ilalim ng balon. May 30
dipa pa lamang ang lalim at habang inaabot ang kalaliman nito, binatak na niya
ang lubid. Ito ang hudyat na siya ay
hilahin na paitaas nina Don Diego at Don Juan.
Sumunod naman si Don Diego, ngunit nakakatatlong dipa pa lamang ay
umahon na siya.
Ibong Adarna – Buod (Ikatlong Bahagi)
Si Don Juan naman ang sumubok
magpatihulog sa balon. Narating niya ang
pinakamababang bahagi ng balon at kinalag niya ang tali upang siya ay
maglakad. Namangha siya sa pook na
kanyang nakita at nabighani nang makita niya si Donya Juana. Iniligtas niya ito mula sa kamay ng higanteng
nagbabantay dito. Hinikayat niyang
umalis na si Donya Juana, ngunit nag-atubili itong umalis sa dahilan na hindi
niya maiiwan ang kanyang bunsong kapatid na si Donya Leonora na hawak naman ng
isang serpiyenteng mabagsik na may pitong ulo.
Sa palasyo nagpunta sina Don Juan at Donya Juana. Namangha din si Don Juan sa kagandahan ni
Donya Leonora. Natalo ni Don Juan ang
serpiyente. Dahil sa pagmamadali ay
naiwan ni Donya Leonora ang kanyang singsing na diyamante at ang nadala lang
niya ay ang kanyang alagang hayop na lobo.
Agad tinalian ni Don Juan sina Prinsesa
Juana at Prinsesa Leonora para mai-akyat palabas ng balon. Hinila naman nina Don Pedro at Don Diego ang
lubid pataas. Nagkagusto kaagad si Don
Pedro kay Donya Leonora sa una pa lamang pagkakita dito. Paalis na sila nang maalala ni Donya Leonora ang
naiwan niyang singsing na diyamante.
Nagkusang-loob si Don Juan na kunin ang singsing. Muli siyang bumababa sa balon, ngunit sampung
dipa pa lamang siyang nakakababa ay agad nang pinutol ni Don Pedro ang lubid.
Nalungkot ng labis si Donya Leonora sa
nangyari kay Don Juan. Nang sila ay
aalis na, pinagbilinan niya ang kanyang alagang hayop na lobo na tulungan nito
si Don Juan. Nakarating ng maayos sina
Don Pedro, Don Diego, Donya Juana at Donya Leonora sa kaharian ng
Berbanya. Ikinasal si Don Diego kay
Donya Juana samantalang si Don Pedro naman ay nabigo ang pag-ibig kay Donya
Leonora.
Nakarating ang lobo sa kinaroroonan ni
Don Juan at ginamot nito si Don Juan.
Kinuha ni Don Juan ang singsing ni Donya Leonora at umuwi na ito pabalik
ng Berbanya. Sa paglalakad ni Don Juan,
siya ay napagod. Nagpahinga siya sa
isang punongkahoy at nakatulog. Siya
namang pagdating ng Ibong Adarna, dumapo sa puno at nagsimulang kumanta.
Ayon sa kanyang kanta, si Juan ay
naaalala ni Donya Leonora. Ngunit,
mayroon pang mas maganda kay Donya Leonora.
Ito ay si Donya Maria Blanca na anak ni Haring Salermo ng kaharian ng
Delos Cristal. Si Donya Maria ay
maipagkakapuri ni Don Juan sa kanyang amang Haring Fernando, sabi pa ng awit ng
Ibong Adarna.
Ibong Adarna – Buod (Ika-apat na Bahagi)
Sa kaharian naman ng Berbanya ay
nagdadalamhati si Donya Leonora sa tila patay na si Don Juan dahil sa tagal ng
pagkakawala nito.
Samantala, si Don Juan ay limang buwan
nang naglalakbay. Sa kanyang paglalakbay
ay nakita niya ang isang ermitanyo na hanggang baywang ang balbas. Binigyan ni Don Juan ang matanda ng kapirasong
damit. Nagulat ang ermitanyo pagkakita
sa damit, sabay sinabi nitong, Hesus na Panginoon ko, isang galak ko na itong
pagkakita sa baro Mo.
Ipinaliwanag ni Don Juan sa ermitanyo
kung anong dahilan at siya naparoon sa lugar na iyon. Ayon sa kanya, hinahanap niya ang kaharian ng
Delos Cristal, ngunit wala naman nakakaalam kung saan ito. Sinabi ng ermitanyo na magpunta siya sa
ikapitong bundok na kinaroroonan ng isang matandang ermitanyo at doo'y
magtanong.
Nang makarating na siya sa matandang
ermitanyo, tinanong niya kung saan makikita ang kaharian ng Delos Cristal. Ngunit hindi din alam nito kung saan
matatagpuan iyon. Kaya’t tinanong ng
ermitanyo ang kanyang mga alagang ibon at isang agila. Sinabi ng agila kung saan matatagpuan ang
kaharian. Laking tuwa ni Don Juan dahil
makikita na niya ang kaharian ng Delos Cristal at higit sa lahat si Donya Maria
Blanca na may higit na kagandahan.
Sumakay si Juan sa likod ng agila at sila
ay lumipad na. Narating nila ang
kaharian ng Delos Cristal. Sinabi ng
agila kay Juan na huwag kakalimutan ang kanyang bilin: Mamayang ika-apat, ang
tatlong prinsesa ay maliligo at nakadamit na kalapati. Ikaw ay magtago at huwag magpapakita. Pagkasabi ng kanyang habilin, lumipad na ang
agila. Iniwan na sa kaharian ng Delos
Cristal si Juan.
Dumating nga ang tatlong prinsesa sa oras
na binanggit ng agila. Ang kagandahan ni
Donya Maria ay talagang kaakit-akit.
Sabay-sabay na naligo ang tatlong prinsesa. Habang naliligo, lumabas ang kapilyuhan ni
Don Juan at tinago ang damit ni Donya Maria.
Pagkaraan ng ilang sandali, natapos na sa
paliligo ang tatlong prinsesa. At
nagsimula nang magbihis ngunit hindi makita ni Donya Maria ang kanyang damit,
kaya siya nagalit.
Pagkaraan ng ilang sandali, lumabas na si
Don Juan, sabay lumuhod sa harap ni Donya Maria. Kaagad sinabi ni Juan ang kanyang pag-ibig
kay Maria. Pinatayo siya ni Donya Maria
Juan at marahang sinabihan ito na tingnan niyang mabuti ang mga batong
nakabakod sa palasyo. Ang mga iyon ay
mga taong naengkanto ng kanyang ama : mga prinsipe, kabalyero at konde. Naging bato sila dahil hindi sila nakatupad
sa iniatas ng kanyang amang hari.
Sinabi ni Maria kay Juan, Mamayang
ika-lima, ang aking ama ay magigising at
ikaw ay makikita. Kapag tinanong ka kung ano ang sadya mo dito. Sabihin mong hihingin mo ang kamay ng isa sa
mga prinsesa. Kapag niyaya kang pumanik
sa palasyo ay tumanggi ka sapagkat mamamatay ka. Kung ikaw ay magpapatuloy, kahit na ano ang
ipagawa sa iyo ng aking ama ay tanggapin mo.
Ako ang bahala!
Ibong Adarna – Buod (Ikalimang Bahagi)
Kinaumagahan
ay ipinatawag ni Haring Salermo si Don Juan.
Masasakit ang katawan ng hari pero panahon na upang ipagkaloob niya ang
isang anak sa prinsipe. Ang sabi ng hari
kay Don Juan ay: Yamang naisakatuparan mo ang lahat nang inutos ko, mamili ka
ngayon sa aking tatlong anak.
Sinamahan
ng hari si Don Juan sa tatlong kuwartong magkakatabi at sadyang may tablang
inilapat na may butas na tanging hintuturo lamang ng bawat bawat prinsesa ang
makikita ni Don Juan at hindi ang kagandahan ng mga ito. Agad namang pinili ni Don Juan ang kamay ni
Donya Maria, na may palatandaan ng kanyang naging malaking pagkakamali.
Nagalit
ang hari sa dahilang si Donya Maria ay ang kanyang paboritong anak. Kaya naman, binalak niyang ipatapon si Don
Juan sa Inglatera para sa kapatid nito siya ipakasal. Pero mabilis na nagtanan si Donya Maria at
Don Juan. Dahil sa galit ng hari,
isinumpa niya si Donya Maria, Ikaw nawa ay malimutan ni Don Juan. Ikaw ay kanyang pababayaan at pakakasal siya
sa iba. Sumpang naulinigan ni Donya
Maria kaya't labis ang kanyang pag-aalala nang magpasya si Don Juan na iwanan
muna siya para magtungo sa palasyo. Kaya
naman mahigpit siyang nagbilin na huwag titingin at lalapit si Don Juan sa
sinumang babae sa palasyo upang hindi siya magawang limutin nito.
Hindi
na nakita ni Haring Salermo ang katuparan ng kanyang sumpa. Siya ay nagkasakit dahil sa matinding
dalamhati na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
At
nagbalik nga ng kaharian ng Berbanya si Don Juan upang hingin ang bendisyon ng
amang hari. Ang sabik at matagal nang
naghihintay na si Donya Leonora ay lumapit kay Juan. Dahil dito, iglap at nakalimot si Don Juan sa
kanyang binitiwang pangako kay Donya Maria, isang katuparan ng sumpa ni Haring
Salermo.
Hindi
nagtagal ay itinakda ang kasal nina Don Juan at Donya Leonora. Samantala, natuklasan na ni Donya Maria ang
kataksilan ni Don Juan dahil sa gagawing pagpapakasal sa ibang prinsesa. Nag-alimpuyo sa galit ang kanyang dibdib.
Lulan
ng karosang ginto, nagpanggap na emperatriz si Donya Maria upang dumalo sa
kasal nina Don Juan at Donya Leonora.
Nang dumating si Donya Maria na naka-bihis emperatriz, namangha ang
lahat. Maganda ang gayak ni Maria at
litaw ang kanyang kagandahan. Ang pakay
niya ay pigilin ang pag-iisang dibdib ng dalawa. Malugod na tinanggap ni Haring Fernando ang
pagdalo ng emperatriz. Subalit hindi
nakilala ni Don Juan na ang emperatriz ay walang iba kundi si Donya Maria. Nakiusap si Donya Maria sa hari na bago
ikasal sina Don Juan at Donya Leonora ay magdaos muna ng munting palabas sa
harap ng lahat. Sa pamamagitan ng
dula-dulaan ay nagawang isalaysay ng mga negrito at negrita ang lahat ng
pinagdaanang hirap ni Don Juan sa mga pagsubok na ibinigay ni Haring
Salermo. Pinalo ng negrita ang negrito
at tinanong kung naaalala nito ang mga ginawang pagtulong ni Donya Maria sa
kanya sa kaharian ni Haring Salermo na kanyang ama. Sa tuwing papalo ang negrita ay hindi
nasasaktan ang negrito kundi ay si Don Juan.
Kaya naman, unti-unting nagbalik ang mga alaalang nangyari sa kanila ni
Donya Maria. Noon din ay pinatotohanan
ni Don Juan na ang lahat ng nasaksihang dula-dulaan ng mga negrito at negrita
sa palasyo ay pawang mga katotohanan.
Sa wakas hindi rin nabigo ang sobrang
pagkakagusto ni Don Pedro kay Donya Leonora dahil silang dalawa din ang
tuluyang nagpakasal.
Si Don Juan naman ang nagpakasal kay
Donya Maria. Hiniling nila na kay Don
Pedro na lamang ibigay ang trono sa kadahilanang sila ni Don Juan at Donya
Maria ay nakatakdang pagharian ang monarka ng Delos Cristal. Kaya pagkatapos ng kasalan ay umuwi na sila
sa kaharian ng Delos Cristal. Nagkaroon ng
isang pista para ipagdiwang ang pagluwalhati sa Bathala. Kalakip na rin ang dalangin para sa mga
yumaong kapatid at magulang ni Donya Maria.
At ang mga na-engkantong mga prinsipe, kabalyero at konde ay inalisan na
ni Donya Maria ng sumpa. At ang lihim na
pinaka-iingatan ng mga magulang ni Donya Maria ay kanya ring inilantad na. Nagbalik sa pagiging leon at tigre ang mga
utusan at nagsilantaran ang mga tunay na tao na nagtatagong kasangkapan sa loob
ng palasyo. Itinanghal na hari at reyna
si Don Juan at Donya Maria sa kaharian ng Delos Cristal. Siyam na araw ang ginanap na pista. Di magkamayaw sa kasiyahan ang mga
taong-bayan. Sa bagong pamamahala ni Don
Juan ay tanging kaayusan ng kaharian ang hinahangad. At dahil sa kanilang mabuting pamumuno sa
kaharian, sila ay lalong minahal ng taong bayan.
Ang salaysay at hiwagang nakabalot sa
dalawang reyno ay maligayang winakasan ng malamyos na awitin ng Ibong Adarna.
What a nice story
TumugonBurahinWhat a nice story
TumugonBurahinThanks
TumugonBurahinNice story😃
TumugonBurahinAkala ko buod yun??
TumugonBurahinbuod nga yan mataas ang original nyan
TumugonBurahinNice story!
TumugonBurahinComplete po ba yan?
TumugonBurahinbaka lng naman
TumugonBurahinBakit mahigpit na pinabantayan ni Don Fernando ang ibong adarna?
TumugonBurahinbaka mawala o mamatay ito
BurahinBeauty and the beast ang peg sa last
TumugonBurahinTorture for kids .. how long has this has to be huh
TumugonBurahinnice story
TumugonBurahinnice stiry
TumugonBurahinHello fuck
TumugonBurahin